Hindi na maituturing na newcomer ang young actress na si Andrea Torres dahil ilang shows na rin ang nilabasan niya, bukod pa sa kanyang TV commercials.
"Nag-host po ako ng two years sa Ka-Blog, dito rin po sa GMA, pero sa News and Public Affairs. Teen show po siya.
"Pero before that, kasama po ako sa mga movies ng Regal, tulad ng Shake, Rattle & Roll 9 and 10. Manay Po 2, You To Me Are Everything po," banggit ni Andrea sa ilang proyekto na nagawa na niya before.
FROM BAD TO GOOD. Pero masasabing ang upcoming GMA-7 afternoon soap na Blusang Itim ang pinakamalaking opportunity na dumating sa kanya.
Dito ay gagampanan niya ang role ng kaibigan ng bidang si Kylie Padilla, ngunit may gusto naman siya kay Carl Guevara.
Pero kahit ganoon, hindi raw kontrabida ang role niya.
Sa You To Me Are Everything ay naging kontrabida siya ni Marian Rivera. So, ayaw na niyang magkontrabida?
"Opo, mas gusto ko po sana, parang mas challenging po sa akin yung nagda-drama,"sabi ni Andrea.
"Hindi rin po kasi ako iyaking talaga. So, parang mas fulfilling sa akin kapag nakakaiyak ako, nagda-drama ako.
"Ang daming nagsasabi sa akin na masungit, so gusto ko naman pong ibahin yung usual."
Hindi naman daw siya nagkaroon ng negative experience when she played kontrabida to Marian.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Andrea sa presscon ng Blusang Itim noong Lunes, May 9, sa 17th floor ng GMA Network Center.
Ano ang masasabi ni Andrea na edge niya over other aspiring actresses?
"Ayoko naman pong i-compare ang sarili ko. Pero pumasok po ako rito dahil sa craft mismo. Yung pag-arte.
"Sana nga po makita nila kung gaano ako ka-passionate sa craft ko, sa pag-arte ko.
"Sana makilala nila ako more than anything sa maipapakita kong talent sa kanila," sabi niya.
NO TO FHM. Maganda at may height si Andrea. Kung sakali, payag ba siyang mag-cover ng FHM Magazine.
"Hindi po...hindi pa po ako kumportable sa katawan ko," malaking iling niya.
Twenty years old na si Andrea pero feeling daw niya, bata pa rin siya.
Conservative ba siya?
"Medyo po!" natatawa niyang sabi.
"Yung parents ko po, pareho silang religious. Pero yung daddy ko, strict siya. Gusto niya, hindi ako yung labas-labas palagi.
"Ang hangout ko lang, mall-bahay. Movie with friends.
"Hindi ako pala-bar. Clean fun palagi."
DREAM LEADING MEN. Kung siya ang papapiliin, sino sa hanay ng mga aktor ngayon ang gusto niyang makapareha?
"Gusto ko pong maka-partner, siyempre po, si Dingdong Dantes," ani Andrea.
"Although, parang kuya-kuya ang tingin ko sa kanya. Pero pagdating sa acting, ang sarap niyang partner kasi ang galing niyang umarte.
"Tapos sina Dennis Trillo rin po, Richard Gutierrez... Kasi, sila ang parang leading men."
ANDREA'S ROLE MODEL. Sino naman sa hanay ng mga artistang babae ang gusto niyang tularan ang career path.
Isa lang ang naging sagot ni Andrea: "Si Marian Rivera po."
"Sobrang bait po kasi niya. Kahit baguhan lang ako, talagang okay lang sa kanya...siya pa ang nag-alok sa akin na tumabi sa kanya.
"Iniaalok niya yung mga foods niya, mga baon niya, nagbibigay siya ng chocolates."
Nabanggit namin kay Andrea na iba ang mga nasusulat madalas tungkol sa ugali diumano ni Marian.
Pero aniya, "Nagugulat nga po ako. Mabait po siya.
"Noong una nga po, parang naninigas pa ako sa tabi niya kasi baka sabihin niya, feeling close ako.
"Baguhan lang ako bigla akong tatabi sa kanya.
"Pero siya mismo ang nag-aalok. Siya mismo ang nagpapakita na approachable siya," saad ni Andrea.
Source: http://www.gmanews.tv/story/220327/entertainment/pep-andrea-torres-names-dingdong-dantes-as-dream-leading-man