Sa loob ng pitong taon ng pagtatrabaho ni Bianca King sa GMA-7, pawang supporting at kontrabida roles ang ibinibigay sa kanya.
Kaya naman ikinagulat ng aktres nang sabihan siya na magiging bida na siya sa upcoming afternoon drama series ng Kapuso network, ang Sentensyada.
Sa phone-patch interview kay Bianca ng Tweetbiz Insiders sa GMA News TV Channel 11 nitong Martes ng gabi, May 24, ikinuwento niya kung paano niya nalaman ang magandang balita.
"Actually, hindi ko talaga siya ine-expect," sambit ni Bianca.
"Kasi talagang yung utak ko ay nasa Captain Barbell pa.
"And I just got a call nung Thursday [May 19], sabi pa lang sa akin, tsismis pa lang daw at hindi pa sure.
"So, sabi ko, okay let's just see na lang muna.
"And then, pagkatapos nung call na yun, nakuha ko na yung text from Ms. Annette [Gozon, GMA Films president] and Tita Ida [Henares, GMA Artist Center head] congratulating me for the role.
"So, sabi ko, mukhang sure na yata ito. Pero I really couldn't believe it.
"Hindi talaga matanggal yung smile sa mukha ko."
Sa ngayon daw ay hindi pa alam ni Bianca kung ano na ang mangyayari sa kanyang role sa Captain Barbell.
Ginagampanan niya kasi sa naturang telefantasya, na pinagbibidahan ni Richard Gutierrez, ang role ni Lary, na tumutulong kay Captain Barbell para i-train ang superheroes ng Liga ng Kalayaan.
Original story ba ang Sentensyada?
"It's an original story,' sagot ni Bianca.
"Very, very heavy drama, at saka yung character ko dito, complete opposite siya ng kahit anong character that I've portrayed before.
"Challenging siya kasi finally maipapakita ko yung medyo madramang side ng aking acting."
Ano ang role niya rito?
"Physically abused character. Tapos hindi ako pinag-aral ng aking tito at tita.
"So, malaking challenge siya for me kung paano i-portray siya na maniniwala at magiging affected ang mga tao.
"Pero in preparation, I'm gonna put myself through workshop," sabi ng Kapuso actress.
Ano naman ang wish niya para sa kanyang kauna-unahang pagbibida sa telebisyon?
"I really hope that lahat ng mga fans, everyone will support my first lead role, Sentensyada.
"I promise na gagawin ko talaga lahat para maging maganda itong show na ito."
Nakapag-story conference at nag-pictorial na raw sila last Friday, May 20.
Magiging leading man ni Bianca sa Sentensyada si Dennis Trillo, at gaganap naman bilang kontrabida ang nagbabalik-Kapuso na si Alessandra de Rossi.
Unang in-offer ang role ni Bianca kay Iza Calzado. Pero dahil sa schedule problems ay hindi ito tinanggap ni Iza at napunta nga kay Bianca.
Source: http://www.gmanews.tv/story/221612/entertainment/pep-bianca-king-finally-lands-a-lead-role