.:[Double Click To][Close]:.

Eugene Domingo on Andi Eigenmann's pregnancy: 'A baby is always a blessing'

Naniniwala si Eugene Domingo na isang blessing para kay Andi Eigenmann ang sanggol na nasa sinapupunan niya ngayon.

Nagkaroon ng pagkakataon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makausap ang award-winning actress sa presscon ng Ang Babae Sa Septic Tank nitong Biyernes, July 1, sa Katre restaurant sa Scout Lazcano St, Quezon City.

Ani Eugene, "Ang panghihinayangan lang natin, ginu-groom siya to become an actress, a leading lady, a star pero mauudlot. Mauudlot lang naman.

"A baby is always a blessing.


"She's already 21. Hindi naman siya pababayaan ni Ms. Jaclyn Jose at ng kanyang pamilya.

"Magaling siyang artista. Break lang iyan, kapag balik niyan mas magaling pa iyan."


Nagkasama si Eugene at si Andi sa pelikulang Mamarazzi na pinalabas noong nakaraang taon.

TRUTH HURTS. Sa mainit-init pa rin na issue tungkol sa "Sky Flakes and catfood" remarks ng indie filmmaker na si Rafael "Rafa" Santos, nagbigay rin ng pahayag ang dating theater actress na si Eugene Domingo kaugnay ng pinag-uusapang isyu na ito.

Aniya, "So, nung una nakakatawa, pagkatapos nakakalungkot. Tapos nakakainis, because there's some truth on what he said. And truth always hurts, hindi ba?"

Dagdag pa ni Uge, "Napanaood ko siya kasi kumalat naman sa Facebook at saka sa Twitter itong napakainit na issue tungkol sa statement o pa-interview ni Rafa Santos.

"Hindi ko siya masyadong kilala at hindi ko pa siya nakakatrabaho, pero kitang-kita ko na ninenerbiyos siya.

"So, para hindi mahalatang ninenerbiyos siya, siguro nagpatawa na lang siya, hindi ba? Nagdyo-joke siya, e.

"Nung una, natatawa ako. Natatawa pa talaga ako, e.

"Tapos parang in the long run, alam mo 'yon, nalungkot talaga ako."

Galing sa teatro si Uge kung kaya't dama niya ang lungkot sa naging statement ni Rafa.

"Dahil ako po ay nanggaling sa teatro, hindi ko makakalimutan kung ano pinagdaanan ko.

"Lahat ng mga maliliit na roles na may maliit na bayad, di ba?

"Pero ang isang artista na devoted at binibigay ang lahat ng kanyang talino at skills, dahil tinanggap niya ang proyekto at naniniwala siya sa vision ng direktor, kapag tinanggap niya ang isang trabaho, definitely hindi siya nagbibiro," saad niya.

Handa bang tumanggap ng project si Uge na gustung-gusto niya kahit Sky Flakes lang ang ipakain sa kanya?

"Siguro ngayon nakita ko ang itsura ni Rafa Santos, mas handa akong tanggapin ang project na siya ang leading man ko do'n.

"Para ma-try niya paano maging artista, di ba? Lalo na pagkasama ako!" pagbibiro niya.

Payag kaya siyang magpadirek kay Rafa?

"Why not? Kung maganda talaga 'yong project at saka ilang truck ng Sky Flakes ba ang ibibigay mo sa 'kin?

Sky Flakes, kunin niyo akong endorser. Panay ang Sky Flakes ko, ha!" aniya pa.

SECOND CHANCE. Napag-alaman ni Uge na nagbigay na raw ng apology letter ang direktor ukol sa kanyang statement na umani ng batikos sa local theater community.

"Kakalabas lang ng letter of apology niya addressed to the theater actors already, sa theater community.

"Nung una sa Cinemalaya lang, kasi siguro dahil marami ang nagre-request na i-pull out ang kanyang entry, di ba?"

Si Rafa ang direktor ng short film na Samarito.

"Ngayon umaga, mainit-init pa, nabasa ko 'yong kanyang letter of apology.

"And alam mo naman, maraming characteristics ang mga theater actors collaborative, very generous, at mapagpatawad ang mga theater actors.

"So, lahat naman nagkakamali, lahat naman ay dapat mabigyan ng second chances.

"Who knows, baka sa pagkakataong 'to, maaga pa naman, maipakita niya kung gaano talaga siya kagaling bilang direktor."

Mensahe pa niya kay Rafa, "Ngayon, naiisip ko lang, e, kaya mo pa lang magsalita nang maayos, e, bakit kumatfood ka pa at saka Sky Flakes? Bakit ka pa do'n?"

At saka niya sinundan ng malakas na tawa.

UGE'S MOVIES. Si Eugene ang bida sa Ang Babae Sa Septic Tank, na film debut ng direktor na si Marlon Rivera.

"Dito, aabangan nila kung ako ay lulusong sa septic tank kunsaan matatandaan n'yo na nahulog ako at naaksidente ako.

"Napaka-interesting na pelikula na ito lalo na sa ngayon, nauuso ang paggawa ng independent films.

"Makikita nila kung paano nagtatrabaho ang isang artista sa isang dream project. In other words, ito ay isang 'film-within-a-film.'

"Kumanta rin ako dito, sa palagay ko, dito na ako madi-discover bilang isang singer," biro pa niya.

Ang Babae sa Septic Tank ay kalahok sa 2011 Cinemalaya Independent Film Festival, at mapapanood sa Cultural Center of the Philippines and selected cinemas at Greenbelt 3 mula July 15 to 24.

Bukod dito, may dalawang pelikula si Eugene sa 2011 Metro Manila Film Festival.

Ito ay ang My HouseHusband, na pagbibidahan ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo, at ang "Lunod" episode sa Shake, Rattle and Roll 13 na ididirehe ni Chris Martinez (Here Comes The Bride, Temptation Island).

Source: http://www.gmanews.tv/story/225090/entertainment/pep-eugene-domingo-on-andi-eigenmanns-pregnancy-a-baby-is-always-a-blessing