May pagka-witch daw si Angelika dela Cruz sa character na ginagampanan niya sa bagong early primetime series ng GMA-7, ang Futbolilits. Pero tila wala raw naniniwala at nagseseryoso na may powers siya.
Ito ang natatawang kuwento ni Angelika nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa press conference ng Futbolilits noong Martes ng gabi, June 28, sa Studio 7 ng GMA Network Center.
"Hindi nila ako sineseryoso. Kaya lahat sila, kinikiyeme nila ako.
"Light lang siya actually. Lahat kami, yung role namin, light lang.
"Mag-asawa kami ni Paolo [Contis] na may pagka-bad.
"Pero yung pagka-bad namin, parang Disney na light lang siya, fun siyang gawin."
Isang buwan lang nagpahinga si Angelika pagkatapos ng huli niyang soap na Dwarfina. Pero masaya si Angelika na hindi siya halos nababakante ng projects sa Kapuso network.
"Masaya ako," sambit niya.
"Wala akong problema kung sinasabing hindi man yung lead role talaga. Walang problema sa akin yun.
"Ayoko lang din ng wala akong ginagawa. Ayoko rin naman ng sobra.
"Kasi siyempre, gusto ko rin naman na yung time ko for Gabby, nandoon lagi."
Si Gabby ang two-year-old son ni Angelika at ng mister niyang si Orion Casareo.
ANOTHER BABY? Wala pa ba silang plano na bigyan ng kapatid si Gabby?
"Hindi naman sa ayoko," sabi ng aktres.
"Siyempre, gusto ko. Gusto ko nga dalawa pa.
"Pero kapag nag-i-school na siya, kasi nakatutok kami. Sobrang nakatutok kami.
"Kaya kapag dinagdagdan mo, hindi ganoon kadali.
"Pero kung iniiwan-iwan ko lang sa yaya, madali. Kahit ilan.
"Kaya lang, nakatutok kami. Hands-on kasi ako.
"Tapos, yung anak pa ng kapatid ko..."
Ang tinutukoy ni Angelika ay ang anak ng kapatid niyang si Edward dela Cruz, na namatay dahil sa vehicular accident sa Pampanga.
Nalaman lang daw nila na magiging ama ang kanyang kapatid nang mamatay ito.
"Actually, nasa mommy at daddy ko naman yung anak ni Edward, pero siyempre, di ba?" sabi ng aktres.
Ano naman ang mga nakita niyang pagbabago sa kanyang sarili mula nang nag-asawa at nagkaanak siya?
"Ang bait ko na ngayon, ha!" natatawa niyang sagot.
POLITICAL PLAN. Si Edward ay nanalong konsehal sa Malabon noong isang taon, pero binawian ito ng buhay. Samantalang ang ama ni Angelika na si Ernie dela Cruz ay barangay captain naman sa kanilang lugar.
Hindi naman itinanggi ni Angelika na posibleng tumakbo rin siya for any political post sa kanilang lugar sa susunod na eleksiyon.
Aniya, "Gusto ko naman talaga, e. Eligible ako.
"Actually, di ba, yung naiwan ni Edward na position, hindi lang talaga sa akin ibinigay.
"Personally, gusto ko naman ever since. Kaya lang, depende...
"Pero siyempre, kung gugustuhin ko, hindi naman mahirap.
"At saka, tumutulong naman kami do'n ever since.
"Actually, ako kapag walang ginagawa, kapag walang trabaho, and then yung asawa ko naman nasa opisina, nandoon ako at ang anak ko sa office ni Daddy.
"Tumutulong-tulong, minsan nakikigulo kami do'n!" natatawa niyang sabi.
Source: http://www.gmanews.tv/story/224897/entertainment/pep-angelika-dela-cruz-plans-to-enter-politics-next-election